Wednesday, June 8

Mga Pagbabagong Magaganap

Hindi madali para sa isang tao na huminto sa isang gawain na laging niyang ginagawa. Ang alcoholic na lagi na lamang nasa tama ng espiritu ng alak ay mahihirapang makapag-adjust sa kanyang buhay kapag nagdesisyon na siyang alisin ang lahat ng kanyang bisyo. Maaaring makaranas ng mga pisikal at sikolohikal na problema ang isang taong nasa proseso ng paghinto sa pag-inom ng alak. At ang mga taong nagiging matagumpay sa kanilang pagtigil ay maaari ring mabigla sa mga pagbabagong magaganap sa kaniyang buhay. Ngunit sa anu’t anuman, ang mga pagbabagong maaaring mangyari sa kanyang buhay ay para rin sa kanyang kapakanan at magiging mabuti para sa kanyang kinabukasan at sa pangmatagalang panahon.

Ngunit, ano nga ba ang mga maaaring pagbabagong maganap sa isang tao kapag inihinto na niya ang kanyang paglalasing?

Magkakaroon ng oras para sa mas kapaki-pakinabang na bagay – ang isa sa pinakamahalagang pagbabago sa buhay ng mga taong hihinto na sa pag-inom ng alak ay ang pagkakaroon ng maraming oras para sa ibang mga gawain. Wala na ang mga umagang may hangover at maaari nang magising nang mas maaga kaysa dati. Ang mga gabi na maaaring nagugugol lamang sa pag-inom sa mga beerhouse ay maaari nang magugol sa pamilya at mga mahal sa buhay nang wala ang alcohol. Sa maikling panahon, maaari madiskubre ng isang tao na marami pa siyang panahon para sa mas kapaki-pakinabang na bagay kapalit ang pag-inom ng labis.

Magiging mas masigla at mas maliksi – nagiging mas masigla sa kanilang buhay at mga gawain ang mga taong tumigil na sa pag-abuso sa alcohol. Ang mga taong ito ay nagugulat kung paano nila nagagampanan ng mas maliksi ang dating mga gawain at trabaho. Sa mga nakaraan ng kanilang buhay, matamlay at tila walang mga buhay ang kanilang paggawa ngunit ngayon, dahil na rin nanunumbalik nang unti-unti ang kanilang mg sistema at kalusugan, nagiging alerto sila sa kanilang mga araw-araw na pamumuhay.

Manunumbalik ang timbang – maraming tao ang nasorpresa sa kanilang natuklasan. Unti-unti ring bumabalik sa dati ang kanilang timbang dahil sa regular na pagkain. Maaaring nawalan ng gana sa anumang pagkain ang isang taong nalulong sa alak at hindi siya nakakakain sa tamang oras at tamang dami. Ngunit sa kanyang paghinto sa pag-inom, magkakaroon ang katawan ng tamang diet at regular na pagkain na kung saan ay makakatulong sa kanyang paggaling.

Makakatipid sa anumang paggastos sa pagbili ng alak – Kahit na sabihin pang ang isang tao ay gumagastos lamang ng kaunti sa kanyang pag-inom, ang taong ito ay naglalaan pa rin ng pera galing sa kanyang kinikita. At ang perang ito ay maaaring magastos sa iba pang kapakinabang kung hihinto na siya sa pag-inom ng alak. Malaking bagay sa kasalukuyan ang anumang halaga ng pera dahil sa hirap ng buhay. At ang kaunting ginagastos sa pagbili ng alak ay maaari nang maibili ng bigas o ulam upang makatawid sa isang araw.

Hindi madaling umiwas sa pag-inom ng alak. Sapagkat ito ay pangkaraniwan na ring nangyayari sa ating panahon. Ngunit sa dami ng mga problemang maaaring maganap na kaakibat nito, isang magandang desisyon ang paghinto na maaaring makapagpabago sa buhay ng isang tao.

No comments:

Post a Comment