Wednesday, June 8

Mga Pagbabagong Magaganap

Hindi madali para sa isang tao na huminto sa isang gawain na laging niyang ginagawa. Ang alcoholic na lagi na lamang nasa tama ng espiritu ng alak ay mahihirapang makapag-adjust sa kanyang buhay kapag nagdesisyon na siyang alisin ang lahat ng kanyang bisyo. Maaaring makaranas ng mga pisikal at sikolohikal na problema ang isang taong nasa proseso ng paghinto sa pag-inom ng alak. At ang mga taong nagiging matagumpay sa kanilang pagtigil ay maaari ring mabigla sa mga pagbabagong magaganap sa kaniyang buhay. Ngunit sa anu’t anuman, ang mga pagbabagong maaaring mangyari sa kanyang buhay ay para rin sa kanyang kapakanan at magiging mabuti para sa kanyang kinabukasan at sa pangmatagalang panahon.

Ngunit, ano nga ba ang mga maaaring pagbabagong maganap sa isang tao kapag inihinto na niya ang kanyang paglalasing?

Magkakaroon ng oras para sa mas kapaki-pakinabang na bagay – ang isa sa pinakamahalagang pagbabago sa buhay ng mga taong hihinto na sa pag-inom ng alak ay ang pagkakaroon ng maraming oras para sa ibang mga gawain. Wala na ang mga umagang may hangover at maaari nang magising nang mas maaga kaysa dati. Ang mga gabi na maaaring nagugugol lamang sa pag-inom sa mga beerhouse ay maaari nang magugol sa pamilya at mga mahal sa buhay nang wala ang alcohol. Sa maikling panahon, maaari madiskubre ng isang tao na marami pa siyang panahon para sa mas kapaki-pakinabang na bagay kapalit ang pag-inom ng labis.

Magiging mas masigla at mas maliksi – nagiging mas masigla sa kanilang buhay at mga gawain ang mga taong tumigil na sa pag-abuso sa alcohol. Ang mga taong ito ay nagugulat kung paano nila nagagampanan ng mas maliksi ang dating mga gawain at trabaho. Sa mga nakaraan ng kanilang buhay, matamlay at tila walang mga buhay ang kanilang paggawa ngunit ngayon, dahil na rin nanunumbalik nang unti-unti ang kanilang mg sistema at kalusugan, nagiging alerto sila sa kanilang mga araw-araw na pamumuhay.

Manunumbalik ang timbang – maraming tao ang nasorpresa sa kanilang natuklasan. Unti-unti ring bumabalik sa dati ang kanilang timbang dahil sa regular na pagkain. Maaaring nawalan ng gana sa anumang pagkain ang isang taong nalulong sa alak at hindi siya nakakakain sa tamang oras at tamang dami. Ngunit sa kanyang paghinto sa pag-inom, magkakaroon ang katawan ng tamang diet at regular na pagkain na kung saan ay makakatulong sa kanyang paggaling.

Makakatipid sa anumang paggastos sa pagbili ng alak – Kahit na sabihin pang ang isang tao ay gumagastos lamang ng kaunti sa kanyang pag-inom, ang taong ito ay naglalaan pa rin ng pera galing sa kanyang kinikita. At ang perang ito ay maaaring magastos sa iba pang kapakinabang kung hihinto na siya sa pag-inom ng alak. Malaking bagay sa kasalukuyan ang anumang halaga ng pera dahil sa hirap ng buhay. At ang kaunting ginagastos sa pagbili ng alak ay maaari nang maibili ng bigas o ulam upang makatawid sa isang araw.

Hindi madaling umiwas sa pag-inom ng alak. Sapagkat ito ay pangkaraniwan na ring nangyayari sa ating panahon. Ngunit sa dami ng mga problemang maaaring maganap na kaakibat nito, isang magandang desisyon ang paghinto na maaaring makapagpabago sa buhay ng isang tao.

Saturday, June 4

Ang Inspirasyon ay Makakatulong sa Paghinto

Ang determinasyon ay mahalagang elemento na makatutulong na magtagumpay sa anumang balakin na nais maisagawa. Ito ang isang mekanismo na magpapakilos sa isang tao upang lalong mapaigting ang kanyang ibig na matapos at maisakatuparan. Ito rin ang siyang magiging daan upang magpatuloy sa anumang mithiin sa kabila man ng mga pagsubok at suliranin.

Kung ang isang tao ay may sapat na inspirasyon at talagang determinado na huminto na sa mga bisyo, madali niyang mababago ang kanyang mga nakagawian at hindi basta susuko sa gitna ng kanyang laban sa alcoholism. Ang mga motivatiosns at inspirasyon ang siyang magpapatibay ng kanyang mga plano upang ito’y maisakatuparan ng maayos. Ito ay mga pundasyon na higit na makakapagpatibay sa paglaban sa alcohol addiction. Maraming tao ang may kaalaman na kung paano nila maihihinto ang isang bisyo tulad ng pag-inom ng labis ngunit hindi nagagawang mapaigting ang mga plano sa dahilang wala ang inspirasyon sa eksena. Mapapatunayang gaano man kalakas at kaepektibo ng isang proseso sa paghinto sa pag-inom ng alak, ito ay mababalewala kung walang matibay ng pundasyon kagaya ng mga inspirasyon.

Maraming paraan upang makakuha ng sapat na motivations at inspirasyon upang tumigil na sa pag-inom ng alak. Ito ay maaaring makuha sa mga miyembro ng pamilya na maaaring magbigay ng sapat na suporta sa isang alcoholic. Ang pamilya ang higit na kailangang panggalingan ng inspirasyon ng isang taong nagbabalak na umalis sa bisyo sapagkat higit nilang nakikilala ang ugali at gawi nito. Ang pamilya rin ang sandigan sa oras ng ganitong mga sitwasyon. Sa anumang mga paraan, ang inspirasyong manggagaling sa pamilya ang higit na pagtuunan ng pansin upang malabanan ang anumang addiction na nasa katawan.

Maaari ring magbuhat sa mga kaibigan ang inspirasyon na huminto sa paglalasing. Ang mga tapat na kaibigan na nakauunawa sa kalagayan ng isang alcoholic ay magiging daan upang maging determinado ang isang tao. Sila ang magiging tagapagpa-alala sa kanya na ipagpatuloy ang mga balakin at maging focus sa kalsadang dinadaanan upang hindi na muling maligaw ng landas. Kinakailangan lamang na ang mga kaibigan na bibigyan ng pagtitiwala ay mga kaibigan na kasa-kasama sa kaligayahan at maging sa kalungkutan. Huwag ding makipag-ugnayan pa sa mga taong maaaring maging impluwensiya upang bumalik sa pag-inom. Lalo lamang magpapahirap ito sa sitwasyon at maaaring makadagdag sa mga problema.

Ang mga inspirasyon na makakatulong upang palakasin ang pagnanais na makaalpas sa isang addiction ay magbubunga ng positibong sitwasyon sa isang alcoholic at sa kanyang pamilya. Kung wala ang mga ito, mahihirapan na baguhin ang sarili at maging maayos ang buhay sa kasalukuyan at hinaharap.

Friday, May 27

Mga Tips na Makakatulong sa mga Alcoholics

Ang pagkakataong maunawaan ang mga bagay na tungkol sa alcoholism ay laging magbubunga ng magandang resulta. Ito ay ang pagkakaroon ng mga epektibong paraan upang makakawala sa sitwasyong kinasasangkutan

Kung naiisip mo na ngayong mga sandaling ito na ikaw ay may problema pagdating sa pag-inom ng alak, maaaring ang mumunting mga bagay na narito sa artikulong ito makatulong sa iyo upang mapaglabanan mo ang iyong addiction. Gayunpaman, hindi isinulat ang mga impormasyong ito upang maging kapalit ng kahit na anong tulong medikal na kailangan ng mga sugapa na sa alak. Kinakailangan pa rin ang pagkalinga ng isang espesyalista at doktor kung sakaling nakararanas ng mga withdrawal symptoms at mga katulad nito. Ipinapayong alamin muna ang tunay na kalagayan upang hindi magkaroon ng maas malaking problema sa hinaharap.

Nakakagimbal na datos ang nakalap ng mga mananaliksik pagdating sa bilang ng mga nagiging sugapa sa alcohol. Ayon sa kanila, mayroong mahigit 10 porsiyento ng ating kasalukuyang populasyon ang pinahihirapan ng ganitong uri ng kondisyon.

Sa kabila ng mga babala ng gobyerno at mga ahensyang itinalaga sa ganitong sitwasyon, marami pa rin ang patuloy na umaabuso at hinahayaang maging alipin ng alcoholism. Napakaraming problema ang kaakibat ng labis na pag-inom ngunit tila hindi pinapansin ng mga taong umaabuso nito. Sa ganitong sitwasyon, napakaraming relasyon ang nasisira at mga trabahong napapabayaan dahil sa labis na pag-inom ng alak. Ang naturang sakit ay isang mapanganib na kondisyon ay maaaring maging sanhi ng maagang pagkamatay ng isang tao kung hindi maaagapan.

Ang alcohol ay katulad din ng ipinagbabawal na gamot. Maraming mga sakit ang dala-dala nito at hindi magbubunga ng kahit kaunting kabutihan man lamang kung aabusuhin ito. Kinakailangan na maging malakas at matibay upang mapaglabanan ang sakit na ito upang hindi na lumala pa. Kinakailangan ang isang determinadong pag-iisip upang makaalis sa ganitong uri ng buhay. Ang pagbabago ay dala-dala na ng isang tao, kailangan lamang na maging matatag sa mga pagsubok upang mapanatili ang pagbabagong ito hanggang sa katapusan.

Maraming uri ng tulong ang pwedeng magamit upang makahinto at makaiwas sa pag-inom ng alak. Ang internet ay isang malawak na mundo kung saan maaaring makakuha ng sapat na impormasyon upang makatulong sa mga binabalak. Dapat lamang na matiyak ng isang tao ang kakayahan at kapakinabangan ng kanyang mga ginagamit na programa para maitigil ang alcoholism sa kanyang sistema. Hindi ito magiging madali ngunit kinakailangan na tiisin ang lahat ng paghihirap upang maani ang tagumpay sa hinaharap.