Wednesday, May 25

Mga Tulong Upang Makaiwas sa Alcohol Addiction

Ang alcohol addiction ay isang kondisyon na nagaganap sa isang tao sa paglipas ng panahon at nakaaapekto sa kanyang buhay at pamumuhay. Nakasisira ito sa mga personal na relasyon at nakagdadala ng sakit kahit na kanino. Ang mga taong nalululong sa alcohol ay kadalasang nakakaranas ng iba’t ibang uri ng karamdaman sa kaisipan, emosyon at kalusugan. Ang desisyon na huminto sa pag-inom ng alak at labanan ang anumang addiction na umiiral ay isang mahirap na gawain at nangangailangan ng sapat na lakas ng loob upang maisagawa. Sa dahilang ito, hindi nagagawang maipagpatuloy ng maraming tao ang paghinto sa pag-inom bunga ng mga dinaranas na paghihirap. Ngunit maraming paraan upang maisakatuparan ang mga binabalak. Maaari kang humingi ng tulong sa mga taong higit na nakauunawa sa mga ganitong kondisyon. Maraming organisasyon ang maaaring mahingan ng suporta upang maging madali ang anumang dinaranas kapag tumigil na sa pag-inom ng alak. Malaki rin ang nagagawa ng suporta ng magulang o kapatid na siyang dapat na unang maging dahilan ng mga pagbabago tungo sa mabuting pamumuhay.

Narito ang ilang hakbang upang makatulong sa iyo na maihinto na at makapagbagong buhay kung pag-inom ng alak ang pag-uusapan.

Unawain ang halaga ng iyong pagbabago gayundin ang anumang mga mabubuting maidudulot nito sa iyo at sa iyong pamilya. Isipin din ang mga masasamang epekto ng alak at paglalasing sa iyong personalidad. Sa ganitong sitwasyon, makikita mo sa iyong sarili ang mga magagandang aral at negatibong pananaw na dapat baguhin. Ito ang unang hakbang na dapat pagtuunan ng pansin sa iyong paghinto sa pag-inom ng alak.

Aminin mo ang iyong problema. Ang isang taong nagnanais na makahinto sa kanyang labis na pag-inom ay nararapat na nakahandang aminin ang kanyang mga pagkakamali gayundin ang kanyang mga problema upang higit na mapagtuunan ng pansin ang solusyon na dapat maibigay dito. Maraming tao ang hindi makakilos tungo sa pagbabago sapagkat tinatangay sila ng kanilang pride at ego at iniisip nila (o ipinalalagay) na wala silang problema pagdating sa kanilang mga paglalasing. Marmaing bagay ang maiisip mo na naging problema mo kung bubuksan lamang ang iyong isipan at aaminin na ikaw nga ay nangangailangan ng tulong.

Maaari kang pumili ng isang detalyadong programa na makatutulong sa iyo upang maisagawa ang iyong binabalak na pagbabago. Magtanong sa mga espesyalista at doktor upang hindi magbunga ng mga komplikasyon ang anumang proseso ng gamutan. Huwag magdalawang-isip na magtanong ng mga bagay na gumugulo sa iyong isipan o humingi ng paliwanag tungkol sa iyong mga nararamdaman upang masolusyunan agad ang anumang problemang kinakaharap.

Pumili ng isang araw o petsa sa kalendaryo at alalahanin ito na mahalagang sandali ng iyong pagbabago. Ito ang araw na hihito ka na sa pag-inom at aayusin ang iyong buhay tungo sa magandang kinabukasan. Ang iyong sarili ang maghahari sa iyong sarili at hindi ang alcohol addiction na siyang naging problema sa nakaraan. Kahit na ikaw lamang sa ngayon ang mag-isang tatahak sa landas ng pagbabago, makakaasa kang ang iyong mga mahal sa buhay ay tutulong din kapag nakita na nila ang pagpupursige mo sa iyong pagbabago.

Ang isa sa pinakapraktikal na payo sa paghinto sa pag-inom ay ang pag-iwas sa anumang makapagpapaalala sa iyo ng alcohol. Maaari mong baguhin ang iyong kapaligiran sa maliliit na hakbang. Maaari kang magsimula sa iyong tahanan at alisin ang anumang mga bagay na makapagpapaalala sa iyo tungkol sa iyong nakaraang buhay bilang alcoholic. Kung naging bahagi ng iyong araw ang pag-inom, katulad ng pagkatapos ng trabaho, ugaliing baguhin ang nakasanayan at ibaling ang atensyon sa ibang bagay na maaari kang maging kapaki-pakinabang. Iwasan ang mga tao na dati mong nakakasama sa iyong paglalasing. Kung maaari ay ipaliwanang sa kanilang mabuti ang kinahantungan ng iyong kondisyon at sabihing nais mo nang magbago upang maging maganda ang hinaharap.

Ang mga ito ay ilan lamang sa pinakamadadaling paraan upang maitigil na ang pag-inom ng alak, umiwas dito at maging handa sa mga susunod na panahon. Ang layunin ng mga hakbang na ito ay upang masolusyunan ang anumang addiction na nasa sa iyong sistema at mamuhay na wala ang alcohol sa araw-araw. Ang pagnanais na maihinto ang pag-inom ng alak o itigil ang pag-abuso dito ay madali lamang kung itutuon ang sarili sa mga dapat gawin.

No comments:

Post a Comment