Wednesday, June 8

Mga Pagbabagong Magaganap

Hindi madali para sa isang tao na huminto sa isang gawain na laging niyang ginagawa. Ang alcoholic na lagi na lamang nasa tama ng espiritu ng alak ay mahihirapang makapag-adjust sa kanyang buhay kapag nagdesisyon na siyang alisin ang lahat ng kanyang bisyo. Maaaring makaranas ng mga pisikal at sikolohikal na problema ang isang taong nasa proseso ng paghinto sa pag-inom ng alak. At ang mga taong nagiging matagumpay sa kanilang pagtigil ay maaari ring mabigla sa mga pagbabagong magaganap sa kaniyang buhay. Ngunit sa anu’t anuman, ang mga pagbabagong maaaring mangyari sa kanyang buhay ay para rin sa kanyang kapakanan at magiging mabuti para sa kanyang kinabukasan at sa pangmatagalang panahon.

Ngunit, ano nga ba ang mga maaaring pagbabagong maganap sa isang tao kapag inihinto na niya ang kanyang paglalasing?

Magkakaroon ng oras para sa mas kapaki-pakinabang na bagay – ang isa sa pinakamahalagang pagbabago sa buhay ng mga taong hihinto na sa pag-inom ng alak ay ang pagkakaroon ng maraming oras para sa ibang mga gawain. Wala na ang mga umagang may hangover at maaari nang magising nang mas maaga kaysa dati. Ang mga gabi na maaaring nagugugol lamang sa pag-inom sa mga beerhouse ay maaari nang magugol sa pamilya at mga mahal sa buhay nang wala ang alcohol. Sa maikling panahon, maaari madiskubre ng isang tao na marami pa siyang panahon para sa mas kapaki-pakinabang na bagay kapalit ang pag-inom ng labis.

Magiging mas masigla at mas maliksi – nagiging mas masigla sa kanilang buhay at mga gawain ang mga taong tumigil na sa pag-abuso sa alcohol. Ang mga taong ito ay nagugulat kung paano nila nagagampanan ng mas maliksi ang dating mga gawain at trabaho. Sa mga nakaraan ng kanilang buhay, matamlay at tila walang mga buhay ang kanilang paggawa ngunit ngayon, dahil na rin nanunumbalik nang unti-unti ang kanilang mg sistema at kalusugan, nagiging alerto sila sa kanilang mga araw-araw na pamumuhay.

Manunumbalik ang timbang – maraming tao ang nasorpresa sa kanilang natuklasan. Unti-unti ring bumabalik sa dati ang kanilang timbang dahil sa regular na pagkain. Maaaring nawalan ng gana sa anumang pagkain ang isang taong nalulong sa alak at hindi siya nakakakain sa tamang oras at tamang dami. Ngunit sa kanyang paghinto sa pag-inom, magkakaroon ang katawan ng tamang diet at regular na pagkain na kung saan ay makakatulong sa kanyang paggaling.

Makakatipid sa anumang paggastos sa pagbili ng alak – Kahit na sabihin pang ang isang tao ay gumagastos lamang ng kaunti sa kanyang pag-inom, ang taong ito ay naglalaan pa rin ng pera galing sa kanyang kinikita. At ang perang ito ay maaaring magastos sa iba pang kapakinabang kung hihinto na siya sa pag-inom ng alak. Malaking bagay sa kasalukuyan ang anumang halaga ng pera dahil sa hirap ng buhay. At ang kaunting ginagastos sa pagbili ng alak ay maaari nang maibili ng bigas o ulam upang makatawid sa isang araw.

Hindi madaling umiwas sa pag-inom ng alak. Sapagkat ito ay pangkaraniwan na ring nangyayari sa ating panahon. Ngunit sa dami ng mga problemang maaaring maganap na kaakibat nito, isang magandang desisyon ang paghinto na maaaring makapagpabago sa buhay ng isang tao.

Saturday, June 4

Ang Inspirasyon ay Makakatulong sa Paghinto

Ang determinasyon ay mahalagang elemento na makatutulong na magtagumpay sa anumang balakin na nais maisagawa. Ito ang isang mekanismo na magpapakilos sa isang tao upang lalong mapaigting ang kanyang ibig na matapos at maisakatuparan. Ito rin ang siyang magiging daan upang magpatuloy sa anumang mithiin sa kabila man ng mga pagsubok at suliranin.

Kung ang isang tao ay may sapat na inspirasyon at talagang determinado na huminto na sa mga bisyo, madali niyang mababago ang kanyang mga nakagawian at hindi basta susuko sa gitna ng kanyang laban sa alcoholism. Ang mga motivatiosns at inspirasyon ang siyang magpapatibay ng kanyang mga plano upang ito’y maisakatuparan ng maayos. Ito ay mga pundasyon na higit na makakapagpatibay sa paglaban sa alcohol addiction. Maraming tao ang may kaalaman na kung paano nila maihihinto ang isang bisyo tulad ng pag-inom ng labis ngunit hindi nagagawang mapaigting ang mga plano sa dahilang wala ang inspirasyon sa eksena. Mapapatunayang gaano man kalakas at kaepektibo ng isang proseso sa paghinto sa pag-inom ng alak, ito ay mababalewala kung walang matibay ng pundasyon kagaya ng mga inspirasyon.

Maraming paraan upang makakuha ng sapat na motivations at inspirasyon upang tumigil na sa pag-inom ng alak. Ito ay maaaring makuha sa mga miyembro ng pamilya na maaaring magbigay ng sapat na suporta sa isang alcoholic. Ang pamilya ang higit na kailangang panggalingan ng inspirasyon ng isang taong nagbabalak na umalis sa bisyo sapagkat higit nilang nakikilala ang ugali at gawi nito. Ang pamilya rin ang sandigan sa oras ng ganitong mga sitwasyon. Sa anumang mga paraan, ang inspirasyong manggagaling sa pamilya ang higit na pagtuunan ng pansin upang malabanan ang anumang addiction na nasa katawan.

Maaari ring magbuhat sa mga kaibigan ang inspirasyon na huminto sa paglalasing. Ang mga tapat na kaibigan na nakauunawa sa kalagayan ng isang alcoholic ay magiging daan upang maging determinado ang isang tao. Sila ang magiging tagapagpa-alala sa kanya na ipagpatuloy ang mga balakin at maging focus sa kalsadang dinadaanan upang hindi na muling maligaw ng landas. Kinakailangan lamang na ang mga kaibigan na bibigyan ng pagtitiwala ay mga kaibigan na kasa-kasama sa kaligayahan at maging sa kalungkutan. Huwag ding makipag-ugnayan pa sa mga taong maaaring maging impluwensiya upang bumalik sa pag-inom. Lalo lamang magpapahirap ito sa sitwasyon at maaaring makadagdag sa mga problema.

Ang mga inspirasyon na makakatulong upang palakasin ang pagnanais na makaalpas sa isang addiction ay magbubunga ng positibong sitwasyon sa isang alcoholic at sa kanyang pamilya. Kung wala ang mga ito, mahihirapan na baguhin ang sarili at maging maayos ang buhay sa kasalukuyan at hinaharap.

Friday, May 27

Mga Tips na Makakatulong sa mga Alcoholics

Ang pagkakataong maunawaan ang mga bagay na tungkol sa alcoholism ay laging magbubunga ng magandang resulta. Ito ay ang pagkakaroon ng mga epektibong paraan upang makakawala sa sitwasyong kinasasangkutan

Kung naiisip mo na ngayong mga sandaling ito na ikaw ay may problema pagdating sa pag-inom ng alak, maaaring ang mumunting mga bagay na narito sa artikulong ito makatulong sa iyo upang mapaglabanan mo ang iyong addiction. Gayunpaman, hindi isinulat ang mga impormasyong ito upang maging kapalit ng kahit na anong tulong medikal na kailangan ng mga sugapa na sa alak. Kinakailangan pa rin ang pagkalinga ng isang espesyalista at doktor kung sakaling nakararanas ng mga withdrawal symptoms at mga katulad nito. Ipinapayong alamin muna ang tunay na kalagayan upang hindi magkaroon ng maas malaking problema sa hinaharap.

Nakakagimbal na datos ang nakalap ng mga mananaliksik pagdating sa bilang ng mga nagiging sugapa sa alcohol. Ayon sa kanila, mayroong mahigit 10 porsiyento ng ating kasalukuyang populasyon ang pinahihirapan ng ganitong uri ng kondisyon.

Sa kabila ng mga babala ng gobyerno at mga ahensyang itinalaga sa ganitong sitwasyon, marami pa rin ang patuloy na umaabuso at hinahayaang maging alipin ng alcoholism. Napakaraming problema ang kaakibat ng labis na pag-inom ngunit tila hindi pinapansin ng mga taong umaabuso nito. Sa ganitong sitwasyon, napakaraming relasyon ang nasisira at mga trabahong napapabayaan dahil sa labis na pag-inom ng alak. Ang naturang sakit ay isang mapanganib na kondisyon ay maaaring maging sanhi ng maagang pagkamatay ng isang tao kung hindi maaagapan.

Ang alcohol ay katulad din ng ipinagbabawal na gamot. Maraming mga sakit ang dala-dala nito at hindi magbubunga ng kahit kaunting kabutihan man lamang kung aabusuhin ito. Kinakailangan na maging malakas at matibay upang mapaglabanan ang sakit na ito upang hindi na lumala pa. Kinakailangan ang isang determinadong pag-iisip upang makaalis sa ganitong uri ng buhay. Ang pagbabago ay dala-dala na ng isang tao, kailangan lamang na maging matatag sa mga pagsubok upang mapanatili ang pagbabagong ito hanggang sa katapusan.

Maraming uri ng tulong ang pwedeng magamit upang makahinto at makaiwas sa pag-inom ng alak. Ang internet ay isang malawak na mundo kung saan maaaring makakuha ng sapat na impormasyon upang makatulong sa mga binabalak. Dapat lamang na matiyak ng isang tao ang kakayahan at kapakinabangan ng kanyang mga ginagamit na programa para maitigil ang alcoholism sa kanyang sistema. Hindi ito magiging madali ngunit kinakailangan na tiisin ang lahat ng paghihirap upang maani ang tagumpay sa hinaharap.

Impormasyon Tungkol sa Alcoholism

Narito ang ilan sa mahahalagang impormasyon na makakatulong sa mga alcoholics upang malaman ang mga epektong dulot ng ng alcohol at mga katulad nito. Para sa ibang tao, ang alak ay hindi nakapagdudulot ng masamang epekto kung hindi lalabis ang ininom. Ngunit ang alak ay masama, kaunti man o inaabuso. Ang mga kemikal na nakapaloob dito ay masasabing walang mabuting benepisyo. Kahit na kaunti lamang ang kinokonsumo, ang alak ay nagbubunga ng hindi mabilang na negatibong epekto kahit na kanino.

Sa kalusugan, ang alak ay nagiging sanhi ng napakaraming sakit. Kahit na kaunti lamang ang naiinom, sa katagalan, ang mga pagkakataong ito ay magbubunga ng karamdaman na magiging sanhi ng unti-unting panghihina. Lalo pa kung ito’y inaabuso at walang pakundangan kung uminom. Ang mga taong hindi nakapagpipigil sa kanilang mga pag-inom ay tiyak na makararanas ng katakut-takot na sakit sa hinaharap.

Sa relasyon, ang paglalasing o ang pag-abuso sa alak ay nakasisira ng mga samahan ng pamilya at mag-asawa. Ito’y nagdudulot ng kapabayaan sa mga relasyong dapat ay inaalagaan. Ang mga panahon na dapat na ginugugol sa pamilya ay nasasayang lamang sa paglalasing. Ang mga taong laging nakainom ay wala nang panahon sa kanilang sarili at pamilya at nagkakaroon ng kakulangan ng komunikasyon lalo na sa asawa at anak. Sa kalaunan, ang mga paglalasing na ito ay magiging dahilan ng madalas na pag-aaway at hindi pagkakintindihan. Maitatanim sa mga anak ang mga negatibong ginagawa at magiging rason upang lumayo sa mga alcoholic ang kanilang kalooban.

Sa trabaho, ang taong umaabuso sa alak ay nagiging pabaya sa kanilang mga ginagawa at trabaho. Nauubos nila ang kanilang oras sa walang kapakinabangang bagy at hindi naaayos ang kanilang trabaho lalo na kung sila ay namamasukan. Kung uminom ng labis ang isang tao, tiyak na mahihirapan ang isang tao na makabangon sa umaga na magiging dahilan ng madalas na pagliban sa trabaho.

Sa sarili, ang mga taong palagiang naglalasing ay mahina, mainitin ang ulo at irritable. Ito ay sa dahilang ang kanilang pansin ay tanging nakapokus lamang sa kanilang pag-inom at mga kasama sa paglalasing. Kung lagi na lamang ganito ang sitasyon, ang taong ito ay magiging mailap sa mga tao sa kanyang kapaligiran. Mawawalan siya ng confidence sa kanyang pagkatao at malululong lamang sa isang bagay: sa alcohol.

Sa kalaunan, ang masasamang epekto ng alcohol, kahit na sabihin pang maliliit na bagay ay magiging malala at magiging dahilan ng mga malalaking problema sa hinaharap na panahon. Magiging mahirap na rin ang pagtigil sapagkat ang addiction na nasa sistema ay masyado nang malakas. Mahihirapan ang isang tao na tumigil sa kanyang bisyo at mahirap na rin ang pagbabago sa buhay kung matagal na panahon ang nagamit sa pagkakalulong sa alak.

Kinakailangan ang matibay at bukas na isip upang tumigil at makaalis sa kondisyon bilang alcoholic.

Mga Kabutihan sa Pagpasok sa Alcohol Rehabilitation Centers

Kapag nagsusubok ang isang tao na malagpasan ang anumang uri ng kanyang addiction, isang mabuting paraan ang lumayo muna sa nakasanayang kapaligiran at kinabibilangang komunidad na maaaring makapagpanumbalik ng mga nakaraang bisyo at gawain. Ito ay tunay na paksa kung pag-uusapan ang alcohol addiction na lagi na lamang nasa sa ating kapaligiran sa ating panahon. Ang alak ay ang pinaka-inaabusong uri ng kemikal at palasak sa ating mudno sa kasalukuyan. Ang pagbili nito ay mas madali pa sa paghahanap ng isang puting buhok sa iyong ulo at kahit na sino ay maaaring makakuha nito upang uminom.

Ang kaunting pag-inom ng alak ay tanggap na sa ating panahon at ang pag-inom ng alak ay kadalasang nakikita sa ating kapaligiran. Ngunti sa ganitong sitwasyon nagiging mas mahirap para sa isang nagnanais na huminto na sa pag-inom ang pagtigil sapagkat maraming tukso ang maaaring makasalamuha sa araw-araw. Ang mga kaibigan at miyembro ng pamilya ang kadalasang nagiging impluwensya ng isang tao upang uminom at abusuhin ito.

Ang alcohol rehabilitation center ay pasilidad na maaaring makatulong sa pag-alis sa kapaligiran at makaiwas sa anumang tukso sa alcohol. Ito ay mabisang paraan upang maialis ang isang tao sa kanyang mga kaibigan at kakilala na maaaring magbunsod sa kanya na uminom at bumalik sa kanyang bisyo. Kapag malayo ang isang alcoholic sa tukso at patuloy na ginagamot ang mga sintomas na kaakibat nito, walang posibilidad na makapanumbalik ang adiksyon bagkus ay makaaalis sa pagiging lulong sa alak.

Maraming programa ang maaaring maibigay ng alcohol rehabilitation center kung nais na makaalis sa anumang adiksyon. May mga programa para sa mga taong hindi masyadong malala ang kondisyon at may mga uri ng gamutan na ipinapayo sa mga taong malala ang pagkakalulong sa alcohol. Sa anumang paraan, amkasisiguro ang agarang paggaling kung susundin lamang ang mga patakaran at alituntuning kailangan upang gumaling.

Ang mga taong may malubhang addiction ay nararapat lamang na sumilalaim sa gamutan na may pagkalinga ng isang espesyalista upang hindi magkaroon ng anumang komplikasyon sa kanyang kalusugan. Ang pagmomonitor ng isang bihasang doktor ay makatitiyak ng magandang gamutan at agarang paggaling sa kinasangkutang karamdaman.

Kinakailangan din na sumailalim ang isang tao sa tinatawag na detoxification treatment upang malinis ang katawan sa mga lason ng kemikal na nasa alcohol. Ang mga toxins na ito ay magiging sanhi ng mas maraming sakit kung hindi maaagapang maalis sa katawan at sistema. Kumunssulta sa isang espesyalista upang masiguro ang detoxification na gagamitin at ipatutupad.

Wednesday, May 25

Mga Tulong Upang Makaiwas sa Alcohol Addiction

Ang alcohol addiction ay isang kondisyon na nagaganap sa isang tao sa paglipas ng panahon at nakaaapekto sa kanyang buhay at pamumuhay. Nakasisira ito sa mga personal na relasyon at nakagdadala ng sakit kahit na kanino. Ang mga taong nalululong sa alcohol ay kadalasang nakakaranas ng iba’t ibang uri ng karamdaman sa kaisipan, emosyon at kalusugan. Ang desisyon na huminto sa pag-inom ng alak at labanan ang anumang addiction na umiiral ay isang mahirap na gawain at nangangailangan ng sapat na lakas ng loob upang maisagawa. Sa dahilang ito, hindi nagagawang maipagpatuloy ng maraming tao ang paghinto sa pag-inom bunga ng mga dinaranas na paghihirap. Ngunit maraming paraan upang maisakatuparan ang mga binabalak. Maaari kang humingi ng tulong sa mga taong higit na nakauunawa sa mga ganitong kondisyon. Maraming organisasyon ang maaaring mahingan ng suporta upang maging madali ang anumang dinaranas kapag tumigil na sa pag-inom ng alak. Malaki rin ang nagagawa ng suporta ng magulang o kapatid na siyang dapat na unang maging dahilan ng mga pagbabago tungo sa mabuting pamumuhay.

Narito ang ilang hakbang upang makatulong sa iyo na maihinto na at makapagbagong buhay kung pag-inom ng alak ang pag-uusapan.

Unawain ang halaga ng iyong pagbabago gayundin ang anumang mga mabubuting maidudulot nito sa iyo at sa iyong pamilya. Isipin din ang mga masasamang epekto ng alak at paglalasing sa iyong personalidad. Sa ganitong sitwasyon, makikita mo sa iyong sarili ang mga magagandang aral at negatibong pananaw na dapat baguhin. Ito ang unang hakbang na dapat pagtuunan ng pansin sa iyong paghinto sa pag-inom ng alak.

Aminin mo ang iyong problema. Ang isang taong nagnanais na makahinto sa kanyang labis na pag-inom ay nararapat na nakahandang aminin ang kanyang mga pagkakamali gayundin ang kanyang mga problema upang higit na mapagtuunan ng pansin ang solusyon na dapat maibigay dito. Maraming tao ang hindi makakilos tungo sa pagbabago sapagkat tinatangay sila ng kanilang pride at ego at iniisip nila (o ipinalalagay) na wala silang problema pagdating sa kanilang mga paglalasing. Marmaing bagay ang maiisip mo na naging problema mo kung bubuksan lamang ang iyong isipan at aaminin na ikaw nga ay nangangailangan ng tulong.

Maaari kang pumili ng isang detalyadong programa na makatutulong sa iyo upang maisagawa ang iyong binabalak na pagbabago. Magtanong sa mga espesyalista at doktor upang hindi magbunga ng mga komplikasyon ang anumang proseso ng gamutan. Huwag magdalawang-isip na magtanong ng mga bagay na gumugulo sa iyong isipan o humingi ng paliwanag tungkol sa iyong mga nararamdaman upang masolusyunan agad ang anumang problemang kinakaharap.

Pumili ng isang araw o petsa sa kalendaryo at alalahanin ito na mahalagang sandali ng iyong pagbabago. Ito ang araw na hihito ka na sa pag-inom at aayusin ang iyong buhay tungo sa magandang kinabukasan. Ang iyong sarili ang maghahari sa iyong sarili at hindi ang alcohol addiction na siyang naging problema sa nakaraan. Kahit na ikaw lamang sa ngayon ang mag-isang tatahak sa landas ng pagbabago, makakaasa kang ang iyong mga mahal sa buhay ay tutulong din kapag nakita na nila ang pagpupursige mo sa iyong pagbabago.

Ang isa sa pinakapraktikal na payo sa paghinto sa pag-inom ay ang pag-iwas sa anumang makapagpapaalala sa iyo ng alcohol. Maaari mong baguhin ang iyong kapaligiran sa maliliit na hakbang. Maaari kang magsimula sa iyong tahanan at alisin ang anumang mga bagay na makapagpapaalala sa iyo tungkol sa iyong nakaraang buhay bilang alcoholic. Kung naging bahagi ng iyong araw ang pag-inom, katulad ng pagkatapos ng trabaho, ugaliing baguhin ang nakasanayan at ibaling ang atensyon sa ibang bagay na maaari kang maging kapaki-pakinabang. Iwasan ang mga tao na dati mong nakakasama sa iyong paglalasing. Kung maaari ay ipaliwanang sa kanilang mabuti ang kinahantungan ng iyong kondisyon at sabihing nais mo nang magbago upang maging maganda ang hinaharap.

Ang mga ito ay ilan lamang sa pinakamadadaling paraan upang maitigil na ang pag-inom ng alak, umiwas dito at maging handa sa mga susunod na panahon. Ang layunin ng mga hakbang na ito ay upang masolusyunan ang anumang addiction na nasa sa iyong sistema at mamuhay na wala ang alcohol sa araw-araw. Ang pagnanais na maihinto ang pag-inom ng alak o itigil ang pag-abuso dito ay madali lamang kung itutuon ang sarili sa mga dapat gawin.

Mga Impormasyon Tungkol sa Alcoholism

Kailangang maunawaan ng isang tao ang mga bagay na kaakibat ng sakit na alcoholism. Ang pagkakaunawa niya tungkol sa mga bagay na ito ang siyang magiging daan upang kanyang malabanan ang ganitong kalagayan. Sapagkat ang alcoholism ay hindi pangkaraniwang sakit na maaaring magamot sa pamamagitan ng iba’t ibang klase ng medisina, kinakailangan ang matinding atensyon at seryosong pagkaunawa upang gumaling.

Isang bagay na dapat maunawaan ng isang tao ay ang katotohanang ang alcohol sa mga nakalalasing na inumin ay isang uri ng depressant na nakaaapekto sa ating sistema particular na sa ating central nervous system. Ang labis na pag-inom nito ay nakapagpapadagdag sa gawain at proseso ng ating mga internal organs tulad ng puso at utak. Ang epekto nito sa ating katawan ay maaaring magdulot ng napakaraming sakit at karamdaman na magiging malala sa kalaunan. Kung hindi maaagapan, ang mga sakit na ibubunga ng pag-aabuso sa alcohol ay magiging sanhi ng kamatayan.

Narito pa ang ilan sa mga impormasyon na makatutulong upang lubusang maunawaan ang alcoholism:

- Ang alcohol at caffeine ay dalawang substance na madalas abusuhin sa ating panahon. Ngunit mas matindi ang epekto at impact ng alcohol sa ating buhay. Ito ang nagiging dahilan ng maraming problema ng mga tao na nalululong dito.

- Ang mga problemang kinasasangkutan ng mga taong nalululong sa alak ay papataas pa. Ayon sa mga pag-aaral na isinagawa ng mga siyentipiko at doktor, labinlimang porsiyento ng populasyon sa mundo ang may problema ukol dito. Hindi pa kasama dito ang mga pamilya at kakilala ng mga alcoholic na apektado rin ng problema kadalasan.

- May dalawang kategorya ang alcoholism: ang pag-abuso at ang pagkakalulong dito. Ang pagkakalulong sa alak ang kadalasang nagiging kondisyon ng isang tao kapag madalas ang abusong ginagawa niya sa alcohol. Ito rin ang mga taong nagkakaroon at nakararanas ng mga withdrawal symptoms kung kanilang ihihinto ang pag-inom nito.

- Maraming dahilang kung bakit nalululong ang isang tao alak. Ang pag-abuso nito ang kadalasang nagiging ugat ng pagkakalulong na may mga kaakibat ding mga sitwasyon. Sa kalahatan, ang mga aspetong personal lalo na sa pamilya at relasyon ang nagiging sanhi ng pagiging alcoholic ng isang tao. Ang pamilya ay isa sa itinuturing na pinakamadalas na pinagmumulan ng pag-abuso nito dahil na rin sa mga problemang nangyayari sa kanila.

- Maraming kabataan ang nagiging alcoholic kapag umabot na sa kanilang katandaan. Bunga ito marahil ng hindi agarang pagbibigay ng lunas sa kanilang mga problema nang maaga.

Ang mga impormasyon tungkol sa alcoholism na nabanggit sa itaas ay ilan lamang sa mga bagay na dapat alamin upang lubusang maintindihan ang uri ng ganitong kalagayan. Ipinapayong magpatingin sa mga doktor kung may mga bagay na nais na lubusan pang maunawaan. Ang mga doktor, higit kaninuman ang siyang nakaaalam ng mga bagay ukol dito at makapagbibigay ng mga payong medikal kung kinakailangan.